May handog na libreng sakay para sa mga kababaihang pasahero nito ang pamunuan ng MRT-3 sa Marso 8, bilang pagdiriwang ng Women’s Day.
Libreng makakasakay ang mga babaeng pasahero mula 7:00 a.m. hanggang 9:00 a.m., at mula 5:00 p.m. hanggang 7:00 p.m. sa nasabing araw.
Ayon kay Transportation Assistant Secretary for Railways at MRT-3 Officer-in-Charge Jorjette B. Aquino, ang LIBRENG SAKAY para sa mga kababaihan ay bilang pasasalamat at pagkilala sa mahalagang papel ng mga babae sa lipunan.
“Ang LIBRENG SAKAY po ay simpleng paraan ng MRT-3 upang ipakita ang suporta sa bawat Juana at ang aming pasasalamat sa napakahalagang ambag ng mga kababaihan sa pagsulong ng kaunlaran ng ating bansa,” saad ni Asec. Aquino.
“Sa MRT-3 pa lamang po, nariyan ang mga ticket sellers, security personnel, station supervisors, at iba pa pong kawaning babae na araw-araw nagtitiyak ng maayos at ligtas na biyahe ng mga pasahero. Nararapat lamang po na ating pagpugayan at suportahan ang ating mga kababaihan lalo’t higit sa kanilang espesyal na araw,” dagdag pa ni Asec. Aquino.
Source: DOTR Facebook